Taguig stays firm: ‘Extortion, other illegal activities have no place in our city’
Taguig naninindigan: ‘Extortion, iba pang ilegal na gawain ay walang lugar sa ating lungsod’
Muling binigyang-diin ng pamahalaan ng Taguig noong Martes na hindi nito kinukunsinti ang anumang ilegal na gawain sa lungsod, maging ito man ay gawain ng ordinaryong mamamayan o pampublikong opisyal.
Nagbigay ng pahayag ang lokal na pamahalaan kasunod nang pagkakaaresto ng isang pulis, anim na barangay tanod at kanilang kasama, matapos di-umanong mangikil ng pera mula sa isang truck helper at driver noong Biyernes.
Kinakaharap ngayon nina Police officer Cesar Espejo, 34; mga miyembro ng Barangay Security Force na sina Reggie Adrales, 29; Bobby Tejero, 43; Rolly Barcelo, 41; Antonio Bontia, 51; Antonio Bag-Ao, 44; and Marcelino Perdonio; at kanilang kasama na si Stephanie Villanueva, 24, ang kaso ng illegal possession of firearms, illegal possession of drugs, kidnapping at usurpation of authority matapos nilang arestuhin at dalhin sa multipurpose hall ng Barangay Western Bicutan para kikilan ng pera ang mga kaanak ng mga drug suspects kapalit ng kanilang paglaya.
Naaresto sina Espejo, Adrales, Tejero, Barcelo, Bontia, Bag-Ao at Villanueva sa entrapment operation na isinagawa ng Counter Intelligence Task Force ng Philippine National Police sa San Rafael, Bulacan, matapos mapag-alaman mula sa babaeng complainant ang kalagayan ng mga biktima. Nanatili namang pinaghahanap pa rin si Perdonio.
“Hindi talaga kami nagtotolerate dito ng masamang gawain, kahit sino ka pa. Walang sinuman ang nakatataas sa batas. Kaya kung mapapatunayang nagkasala sila, talagang haharap sila sa katakot takot na kaso. Matatanggal pa sila sa serbisyo,” wika ni Barangay Western Bicutan Chairman Nicky Supan, na may hurisdikyon sa mga akusadong miyembro ng BSF.
Nanatili ring matatag si Taguig City Mayor Lani Cayetano sa kanyang paninindigan patungkol sa mga tiwaling empleyado ng gobyerno.
“Ang Taguig ay tagataguyod ng tama at tapat na serbisyo. Kung makatanggap man kami ng mga report tungkol sa mga ilegal na gawain ng aming mga empleyado, hindi kami magdadalawang-isip na gawin ang tamang aksyon para pigilan sila bilang ito ang aming pangako na makapagbigay ng patas at dekalidad na serbisyo publiko sa lahat ng Taguigeños,” wika niya.
Muli rin niyang pinaalalahanan ang kanyang mga nasasakupan na maaari silang tumawag sa hotline na 165-7777 upang i-report ang mga kaso ng extortion ng mga opisyal na nagpapatupad ng batas. ###