MAYOR LANI HINIKAYAT ANG MGA TAGUIEÑO NA MANATILI SA PAGSUNOD SA HEALTH PROTOCOLS AT MAGPABAKUNA
“Ito ang epektibong proteksyon laban sa muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa”
Ramdam natin ang muling panunumbalik ng sigla at pagbubukas ng ekonomiya sa ating mga komunidad. Naging posible ito dahil sa inyong pakikiisa sa mga hakbang para malabanan ang Covid-19.
Dahil sa mabilis at mahusay na pagtugon ng ating Lungsod sa Pandemya, Naitala sa Taguig ang isa sa pinakamababang fatality rate at pinakamataas na recovery rate sa lahat ng lungsod sa Metro Manila.
Gayunpaman, kailangan nating pagtuunan ng pansin ang banta ng bagong Omicron subvariants BA.4 at BA.5. Kasalukuyang tumataas ang mga kaso nito sa bansa. Sa awa ng ating Panginoon, wala pang naitatalang kaso ng bagong subvariants sa Taguig. Minamatyagan nating mahigpit ang sitwasyon sa tulong ng ating mahuhusay na espesyalistang pangkalusugan.
Batay sa mga ulat, nananatiling nasa low risk ang ating lungsod ngunit makikita na tumataas na rin ang mga kaso ng COVID-19. Kasabay nito ang mababang bilang ng nagpapa-booster. 34% first booster
2% second booster.
Hinihikayat ko ang lahat na patuloy nating sundin ang tamang pagsusuot ng face mask, mag-isolate kung may nararamdamang sintomas ng COVID-19, at agad na magpatingin sa ating barangay health centers o ospital kung may sintomas o na-exposed sa nagpositibo sa COVID-19. Higit sa lahat, magpabakuna at magpa-booster shot kung kayo ay eligible na at hikayatin ang lahat ng nasa inyong komunidad na magpabakuna at magpa-booster laban sa COVID-19.
Tinuturo ng bibliya na kung ano ang ating itinanim, yan ang ating aanihin. Gusto nating anihin ang ligtas at matiwasay na pamumuhay at pagnenegosyo sa Lungsod ng Taguig. Kaya’t sama sama nating itanim sa ating puso at gawa ang mga tamang health protocols, bakuna, at boosters.
Sa mga susunod na buwan, ipakita natin ang pagmamahal at pagmamalasakit sa isa’t isa sa pamamagitan ng bayanihan, disiplina at pagiging mabuting ehemplo sa ating kapwa Taguigeño. Sa ating mahigpit na pag-iingat at pagsunod sa health protocols, pagpapabakuna at booster ay ating mapoprotektahan ang bawat isa sa anumang banta ng COVID-19.
Kami sa lokal na pamahalaan ay nangangakong paiigtingin pa ang pagsisikap na makamtan natin ang ating layunin na maging isang tunay na mapagmahal, mapagmalasakit, at malusog na lungsod.