PAHAYAG UKOL SA PAGHAHANDA AT PAGPAPATUPAD NG ECQ SA TAGUIG
Magandang araw mga Taguigeño!
Kahapon inanunsyo ng IATF na isasailalim tayo sa ECQ simula Lunes, Marso 29, hanggang Linggo, Abril 4. Ang isang linggong ECQ ay naglalayong magpababa ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa NCR Plus at mahinto ang mabilis na pagkapuno ng mga ospital dito.
Ang NCR Plus ay magkakaroon ng iisang patakaran hinggil sa ECQ. Ang patakaran ay mula sa IATF at aprubado ng ating Pangulo.
Naghahanda ang inyong pamahalaang lungsod para matiyak na maayos ang pagpapatupad ng ECQ. Huwag matakot o mangamba.
Muling magbabahagi ang inyong pamahalaang lungsod ng Stay-at-Home Food Packs sa bawat pamilyang Taguigeño. Magtutuloy tuloy ang ating pamimigay ng food packs kahit matapos na ang tinakdang panahon ng ECQ.
Kung maari ay pakihintay lamang sa inyong mga tahanan ang mga kawani na magbabahay-bahay para ihatid ang inyong food packs. Hindi madali ang ganitong gawain kaya hinihingi namin ang inyong pasensya at pang-unawa.
Patuloy na sumubaybay sa I Love Taguig at Safe City Taguig Facebook pages para sa mga anunsyo at dagdag na gabay.
Sumunod tayo at laging mag-ingat!
God bless Taguig! God bless the Philippines!
Mayor Lino Cayetano
Marso 28, 2021