Taguig, magsisimula nang ipamigay ang ayuda; pamamahagi ng stay-at-home packs at hygiene kits tuloy pa rin
Natanggap kahapon, Abril 5, ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig ang emergency assistance mula sa pamahalaang nasyonal.
Layunin ng emergency assistance na magbigay ng ayuda sa mga mamamayang apektado ng kasalukuyang pagpataw ng ECQ.
Agad na inutos ni Mayor Lino Cayetano ang agarang pag proseso at paggawa ng listahan ng mga benipisyaryo. Ayon sa Joint Memorandum Circular No. 1, Series of 2021 na nilabas ng DILG, DSWD at DND, ang pamahalaang lokal ay magbibigay ng ayuda sa mga sumusunod na indibidwal batay sa nakatakdang prayoridad:
1. Beneficiaries ng Social Amelioration Program sa ilalim ng Bayanihan Act 1 at karagdagang beneficiaries ng emergency subsidy batay sa Section 4, (f) 3 ng Bayanihan Act 2;
2. SAP wait-listed beneficiaries;
3. Mga kabilang sa vulnerable groups kagaya ng mga low-income individuals na walang kasama, PWDs, solo parents at iba pa;
4. Iba pang indibidwal na apektado ng ECQ na matutukoy ng LGU kung meron pang natitirang pondo.
Magsisimula ang pamimigay ng ayuda ngayong Miyerkules, Abril 7.
Samantala, tuloy ang pamimigay ng 3-day stay-at-home food packs at hygiene kits ng pamahalaang lungsod sa bawat pamilyang Taguigeño. Nagsimula ang pamimigay noong unang araw ng ECQ, Marso 29.
Noong nakaraang taon, naglabas ang lungsod ng Taguig Amelioration Program (TAP) na financial assistance na P4,000 sa lahat ng hindi nakatanggap ng SAP at apat na rounds ng stay-at-home food packs.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng lungsod sa national government para mas mapaigting ang tulong sa mga nangangailangan. ###