Taguig welcomes PSE to new home
BGC ang bagong ‘finance center’
Taguig pinasinayaan ang bagong PSE sa Bonifacio Global City
Malugod na tinanggap ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang pagdating sa lungsod ng makabagong pasilidad ng pinagsamang stock exchange, na matatagpuan na ngayon sa bagong lokasyon nito sa Bonifacio Global City.
Mula sa lungsod ng Manila at Makati, ang dalawang stock exchange ay makikitang nagsama na sa iisang establisimyento sa Philippine Stock Exchange Tower sa 5th Avenue, kanto ng 28th Street.
Sa pagpapasinaya na ginanap noong Lunes, isang beteranong property consultant ang nagsabi na ang paglipat ng dalawang stock exchange mula sa dalawang lungsod patungong Taguig ay isang hakbang na nagpapatunay sa patuloy na pag-angat ng Taguig bilang bagong financial district sa bansa.
Ang bagong building ng stock exchange sa Taguig, na halos two-thirds na mas malaki sa lumang trading floor nito sa Makati, ay may malawak na LED screen sa labas nito na sumasakop sa buong tatlong palapag ng kabuuang 21-story building.
Ipinapakita sa LED screen display ang kasalukuyan at pinaka-bagong datos ng stock prices at iba pang market data.
Ang pagbubukas ng bagong stock exchange building ay dinaluhan ni Mayor Lani at iba pang mga opisyales ng lungsod at mga sikat na pangalan sa larangan ng komersyo.
“Malugod po naming tinatanggap ang maligayang pagdating sa Taguig ng bagong Philippine Stock Exchange,” wika ni Mayor Lani, na masayang dumalo sa makasaysayang pagbubukas ng bagong stock exhange office.
Siniguro naman ni Mayor Lani na gagawin ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang lahat upang maging ligtas, mapayapa at kaaya-aya ang bagong lugar ng stock exchange sa syudad.
Anya, suportado ng Taguig ang lahat ng programa at mga proyekto ng stock exchange.
“Asahan po ninyo na patuloy na magiging ligtas ang lugar ng Taguig para sa bagong lipat na sentro ng komersyo,” wika pa ni Mayor Lani.
Nauna nang sinabi ni PSE chair Jose Pardo na ang stock exchange ay magkakaroon ng mas malaki at malawak na opisina at museo na magpapakita ng malalim at mayamang nakaraan ng PSE.
Sinabi naman ni David Leechiu, presidente at founder ng Leechiu Property Consultants, na ang pagsanib ng dalawang magkahiwalay na stock exchange sa iisang opisina sa Taguig ay patunay na ang BGC ay pumalit na sa Makati bilang finance center.
“This only confirms that [BGC] has replaced Makati as the finance center,” saad pa ni Leechiu.
Nagpapatunay din na ang track record ng Taguig City ay seryosong nakasentro sa pagbibigay ng mabilis at maayos na serbisyo upang maging kaaya-aya ang pagtatayo ng negosyo sa lungsod.
Nabiyayaan ng Blue Certification Award ng Office of the Ombudsman ang Taguig dahil sa maayos na frontline services nito noong 2014.
Noong 2016 naman ay nakakuha ng pangatlong “excellent” stamp ang Taguig mula sa Civil Service Commission dahil sa pinakamataas at pinakamabisang programa ng lungsod sa pagsawata ng katiwalian o red tape. Nakakuha ang Taguig ng highest rating sa Anti-Red Tape Act compliance measures kumpara sa 46 first-class cities.
Ang lungsod ng Taguig ay kasalukuyang pangunahing lugar para sa malalaking kumpanya, mga embahada at mga bagong opisina ng pamahalaan.
Dito rin sa lungsod matatagpuan ang mga sikat at naglalakihang mga bagong hotel, eskwelahan at shopping malls simula nang maitayo ang BGC at ARCA South.
Ang Taguig City, sa kabila ng pagiging isang bagong syudad sa bansa, ay nakilala rin noong August 2017 ng National Competitiveness Council of the Philippines bilang Most Improved Local Government Units sa kategorya ng Highly Urbanized Cities.
“Maasahan po ninyo kami dito sa Taguig,” saad pa ni mayor sa PSE. ###